Filipino at mga Katutubong Wika: Kasangkapan sa Pagtuklas at Paglikha
By: Aces and Jiliace
Photos from Film and Photography Club
Ngayong taon, ang paaralang Holy Family Montessori ay nagdiwang ng Buwan ng Wika na may paksang “Filipino at mga Katutubong Wika: Kasangkapan sa Pagtuklas at Paglikha” noong ika-30 ng Agosto. Ang pagdiriwang na ito ay nagbigay ng kabuluhan at pagpapahalaga sa mga wikang buhay sa ating bansang Pilipinas.
Ang pagdiriwang ay ginanap nang umaga at hapon. Sa unang pagdiriwang napapaloob ang mga baitang 7, 8, at 9, samantalang, sa ikalawang pagdiriwang naman ang mga baitang 10, 11, at 12. Ito ay naganap sa HFM gym at isinagawa sa paraang face to face. Ang mga guro at iba pang kawani ng Holy Family Montessori ay naglunsad ng mga patimpalak para sa mga mag-aaral na may adhikaing magbigay kahalagahan sa wika at kasaysayan. Ang mga ito ay nakatulong upang mamulat ang mga mag-aaral sa mga wikang umiiral sa bansa. Nagbigay ito ng inspirasyon upang magamit ng tama ang Filipino at mga katutubong wika sa iba’t-ibang larangan mapa-tula man o paggawa ng kanta at poster.
Ang mga patimpalak na inilunsad ay hinati sa dalawang kategorya: indibidwal at pangkatan. Sa indibidwal napabilang ang paggawa at paglalahad ng makabagong panulaan o spoken poetry at pagsusuot ng tradisyonal na kasuotan. Ang pangkatang patimpalak ng mga baitang 7, 8, at 9 ay ang paglikha ng infographic poster na may piling limang miyembro bawat seksyon, samantalang, ang pangkatang patimpalak ng mga baitang 10, 11, at 12 ay ang paggawa ng isang masining na musika ng bawat seksyon na may piling walong miyembro na maglalahad ng nagawang awitin sa entablado. Ang mga mag-aaral mula baitang 7 hanggang 12 ay labis na ipinakita ang pagka-masining, pagiging makata, at pagkakaroon ng angking talento sa pagsulat. Masasabing naging isang makabuluhang pagdiriwang ito sapagkat ang bawat mag-aaral ay nagbigay partisipasyon sa mga nasabing patimpalak.
Sa naganap na pagdiriwang ay nagkasama sama muli ang mga mag-aaral sa iba't ibang baitang para maipagdiwang ang Buwan ng Wika. Naipakita ng mga mag-aaral ng Holy Family Montessori ang kanilang mga angking talento sa pagsali sa mga patimpalak kagaya ng paggawa ng spoken poetry o makapagong panulaan, pagsusuot ng tradisyonal na kasuotan, at paggawa ng musika na may mga adhikaing magbigay kahalagahan sa wika ng ating bansa.